Tagalog Spoken Poetry About Love


“ Pagsintang Makaluma ”

Binibining kay rikit,
Nais kong malaman mong ako’y iyong naakit.
Kislap ng iyong mata, tamis ng iyong mga ngiti, at pino ng iyong kilos,
Wari mo’y payapang ilog na banayad ang agos.
Ikaw ang Carmelita ng panahon ngayon
At ako si Juanito ng ikalawang pagkakataon.
Tuwing ika’y nasisilayan, labis na galak ang nararamdaman.
Hindi ko alam kung anong meron ka,
Na sa aki’y nagdudulot ng labis na sigla.
Ngunit isang bagay ang sa aki’y malinaw..
Ang pinapangarap ko ay ikaw.
Ikaw irog ang hiling sa bawat panalangin,
Ikaw ang unang naiisip sa bawat paggising.
Sa iyo sinta ay labis ang pagkahumaling.
Sana naman ako ay iyong dinggin.
Mga ulap ay hahawiin,
Mga butuin ay aking susungkitin,
Ikaw lamang ay mapasaakin.
Mga bundok ay tatawirin,
Mga karagatan ay sisisirin,
Mapukaw ko lamang ang iyong pagtingin.
Tradisyonal na ligaw ang nararapat sa binibining tulad mo.
Matamis mong oo’y dapat paghirapan ng husto.
Kaya’t hindi alintana sa akin sinta,
Ano man ang iyong nais ipagawa.
Hindi man limpak limpak na pera ang maibigay ko,
Dugo’t pawis naman ang handang ialay para sa iyo.
Buong mundo man ang humadlang sa pag-ibig ko sayo,
Hawakan mo ang mga pangakong bibitawan ko.
Hindi kita iiwan.
Hindi ako susuko.
Gagawin ko lang lahat.
Asahan mong puso ko ay tapat.
Pag-ibig ko sayo’y higit pa sa sapat.

-Leonabeth De Villa,2017

Maraming salamat sa pagbabasa.
Para sa mas maganda at mas marami pang spoken poetry bisitahin lamang ang aming site.

(Visited 26 times, 1 visits today)