10 Dahilan Kung Bakit Kailangan Mong Maging Masaya


 

Maraming dahilan para piliin mong maging masaya. Ano bang magandang maidudulot ng pagseself pity? Piliin mo naman minsang maging masaya kahit sobrang nakakalungkot na. Mahirap man paniwalaan o intindihin sa simula pero madami pang oras para matutunan mong tangapin at intindihin.  Darating ang oras na mararanasan niyo ito lahat at dito niyo masasabing, “ dapat pala pinili kong maging masaya nung may pagkakataon ako.”  Nandito ang ilang dahilan kung bakit mo kailangang maging masaya.

  1. “Maging masaya ka para sa kanya.”

Hindi mo mapipigilang malungkot dahil naaalala mo yung mga panahong kayo pa.  Pagkatapos ng lungkot hindi dapat lungkot ulit. Sa dulo ng matinding pighati darating at darating ang oras na sasaya ka ulit. Masaya, malungkot, masaya, malungkot. Nasa sa iyo na ang desisyon kung magiging masaya ka rin. Alam mong masaya na siya sa iba bakit makikipagsiksikan ka pa. Maging masaya ka na lang para sa kanya dahil pinili niyang pakawalan ka dahil alam rin niya na mas sasaya ka pa sa iba.

  1. “Maging masaya ka dahil sa Kanya.”

Maging masaya ka dahil mahal tayo ng Diyos. Siya lang yung kahit anong mangyare mananatili at mananatili pa ring nandyan para samahan tayo. Maging masaya ka dahil binigyan ka pa Niya ng pagkakataong mabuhay. Mabuhay para maging masaya at gumawa ng mga bagay na kalugod-lugod sa Kanya hindi para maging malungkot na lamang panghabang buhay.

  1. “Maging masaya ka para at dahil sa pamilya mo.”

Mula simula hanggang huli sila yung makakasama mo habang nabubuhay ka dito sa mundo. Pamilya ang siyang magiging kaagapay at kasama mo kahit sa ano mang bagay. Maging masaya ka para sa kanila. Problema ng isa, problema ng lahat dahil isang pamilya kayo. Hindi maiiwasang maapektuhan din sila dahil mahal ka nila. Mahal niyo ang isa’t-isa at yun ang mahalaga.  Maging masaya ka dahil sa kanila. Maging masaya ka dahil may pamilya ka.  Marami tayong pamilya. Pamilya sa iba’t-ibang aspeto ng buhay. Kakayanin mo para sa kanila. Mananatili kang malakas dahil sa kanila.  Isa lamang ang dahilan ng patuloy na paglaban sa buhay at ito ay dahil sa sayang naidudulot ng ating mga pamilya.

  1. “Maging masaya ka kahit nagkamali ka.”

Hindi mabilang na pagkakamali na ata ang nagawa natin sa buhay at patuloy pa rin tayong nagkakamali kahit natuto na. Patuloy pa rin tayong nasasaktan dahil mahirap tanggapin na nagkamali na naman tayo.  Sa kabila ng mga pagkakamali sa buhay dapat matuto tayong tumayo at itama ang mga pagkakamaling iyon. Paulit-ulit man tayong nadadapa hindi ibig sabihin nito ay hindi tayo natututo nung una. Nagkakamali ulit tayo kasi mas gusto pa Niya tayong matuto at gugustuhin nating matututo pa ulit upang mas maging matatag pa.  Ang buhay kasi ay parang laro kapag natalo ka nung una galingan mo sa susunod. Hindi man manalo agad nasa sa iyo na ang desisyon kung susuko ka na o ipagpapatuloy mong matuto. Maging masaya ka kahit nagkamali ka at kahit patuloy ka pa ring nagkakamali dahil ibig sabihin lamang nito ay handa ka at kaya mong malampasan at itama ang mga ito.

  1. “Maging masaya ka kahit parang wala ng natitira pang dahilan ng saya.”

Maging masaya ka. “Mind over body.”  Ikaw kasi ang may hawak ng desisyon kung magpapakalungkot ka kapag may problema ka. Ang problema kasi palaging may katapusan yan kaya ikaw ang magdedesisyon kung sa paghihintay at paggawa mo ng solusyon ay magiging malungkot ka lang.  Higit sa lahat wag magpapadalos-dalos ng pagdedesisyon kapag malungkot dahil hindi lamang makakatulong ito sa pag resolba ng problema. Masabihan man ng mapagkunwari pero wal naman kasing maitutulong kung ipapaalam mo sa lahat ng tao na malungkot ka. Ipakita mo na lang sa mundo na kaya mo pa at masaya ka dahil kinakaya mo pa. Maging masaya ka kung sa tingin mo ay parang wala ng natitira pang dahilan para maging masaya.  Nalilito lamang tayo dahil sa sabay-sabay na pagdating ng mga problema pero hindi tayo nawawalan ng dahilan para maging masaya. Gumawa ka ng dahilan para maging masaya. Ikaw. Ikaw mismo ang hahanap ng ikakasaya mo para sa sarili mo.

  1. “Maging masaya ka dahil may pagkakataon ka pang bumangon ulit.”

Sa araw-araw na ibinigay sa aitn ng Diyos dapat maging masaya tayo dahil nabibigyan pa tayo ng pagkakataong gumising pagkatapos ng mahimbing o magulong panaginip.  Pahinga ang kailangan kung pagod ka ng initindihin ang lahat ng bagay na kailangan mong intindihin sa mundo. Pahinga lang hindi pagsuko.  Maging masaya ka dahil nabibigyan ka ng pagkakataong magpahinga kahit anong oras mo gusto.  Maging masaya ka dahil nakakabangon ka pa pagkatapos mong magpahinga, nagkakaroon ka ulit ng pagkakataong tumayo pagkatapos mong dumapa. Maging masaya ka sa bawat umaga na gumigising ka para maging isang mabuting tao dito sa mundo.

  1. “Maging masaya ka dahil hindi nakakatulong ang pagmumukmok.”

Ano bang magagawa ng pagiisip ng mga masasamang bagay kapag may problema? Diba wala. Nakakalala pa ng sitwasyon. Walang magandang naitutulong sa iyo. Maging masaya ka na lang. Stay positive kung baga. Walang magandang maidudulot sa sarili mo ang sobrang pagmumukmok o “self pity”. Nagdudulot lang ng stress na magiging dahilan pa ng panibagong lungkot.  Kung malungkot na wag ng dagdagan pa ng mga bagay na mas ikakalungkot pa. Sa halip ay maging masaya na lang dahil hindi nakakatulong kung palagi ka na lang magmumukmok.

  1. “Maging masaya ka dahil ikaw ay isa sa nagiging dahilan ng iba upang sumaya sila.”

Masaya ka sa tuwing nakikita mo ang taong mahal mo na masaya rin at hindi nahihirapan.  Nabubuo ang araw sa tuwing nakakausap o nakakasama mo siya.  Ganun din ang iba. Kung sa tingin mo hindi ka mahalaga, may taong ang turing sa’yo ay higit pa sa mahalaga. May mga nagmamahal sa iyo at maging masaya ka. Minsan mang makalimutan mong mahalin ang sarili mo may isang tao na palaging nadyan para sa’yo. Maging masaya ka dahil ikaw isa sa nagiging dahilan ng iba upang sumaya sila. Ikaw ang dahilan ng kasiyahan nila kaya gawin mong maging masaya rin para sa sarili mo.

  1. “Maging masaya ka dahil nabuhay ka ulit.”

Sa pangaraw-araw nating pamumuhay hindi mawawala ang lungkot at saya, pighati at pagdiriwang at higit sa lahat pagkamatay at muling pagkabuhay.  Namamatay tayo sa bawat sakit at problemang binibigay sa atin ng buhay. At nasa sa atin ang desisyon kung mabubuhay pa tayo o hindi. Higit pa sa sampung pagkamatay ang nararanasan natin sa buhay natin kaya maging masaya ka dahil nakagawa ka ng maraming paraan at dahilan upang mabuhay ulit. Maging masaya ka dahil nabuhay  ka ulit. Maging masaya ka dahil nagawa mong lampasan lahat ng pagsubok sa buhay.

  1. “Maging masaya ka para sa sarili mo.”

Sa huli sarili lang natin ang sasambot ng lahat ng kapalit ng mga ginagawa nating mga desisyon sa buhay. Sarili natin ang siyang huling magpaparamdam ng pagmamahal sa atin sa huli. Maging Masaya ka para sa sarili mo. Kampihan mo naman minsan ang sarili mo.  Bigyan mo ng oras ang sarili mo para maging masaya. Matututunan mo lang mahalin ang ibang tao kapag natutunan mo ng mahalin ang sarili mo. Kapag nagkamali tayo wag ng gumawa pa ng panibagong pagkakamali lalo na habang hindi mo pa alam kung paano mo itatama ang una mong pagkakamali. Sarili kasi natin ang gumagawa ng desisyon kung magiging masaya tayo o hindi anuman ang matanggap o ibigay natin sa buhay.

 

Thank you. Please Like and Share for more.

(Visited 25 times, 1 visits today)